Dito maari mong I download ang aralin

Ang pag-unlad ng pagkatao ay sinasabing pinakamahalagang gawain na ipinagkatiwala sa sangkatauhan. Sa susunod na oras ay ating sisiyasatin ang ating pribilehiyo at responsibilidad na maging katulad ni Kristo sa pagkatao. Samahan ninyo kami ngayon sa mahalagang panahong ito ng personal na pagbabago habang tayo ay ginagabayan ni Pastor Stephen Wallace “Mula sa Kaluwalhatian tungo sa Kaluwalhatian.”

Maligayang pagbabalik, aking mga kaibigan. Labis kong pinasasalamatan ang inyong patuloy na pagsama. Muli, naubusan tayo ng oras, at kailangan kong tapusin ang napakahalagang pag-aaral tungkol sa pagpapataw na ginagawang legal na posible at palaging humahantong sa paglilipat. Ito ay isang mahalagang konsepto na kailangan nating maintindihan upang maiwasan ang pagkahulog sa hukay. Ngunit bago tayo magpatuloy sa pag-aaral na ito, ano ang dapat nating gawin? Dapat tayong tumigil upang manalangin. Ipanalangin ninyo ako habang ipinagdarasal ninyo ang inyong sarili.

Aming Ama sa langit, napakahalagang maintindihan namin nang tama ang Salita ng Katotohanan. Napakahalagang magkaroon kami ng balanseng pang-unawa na magpapanatili sa amin sa tuwid at makipot na daan. Kami ay lubhang madaling mawalan ng balanse at mahulog sa isa o sa kabilang hukay. Ngunit salamat po na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, habang nauunawaan namin ang katotohanan, hindi lamang kami inilalabas sa aming mga hukay, kundi pinapanatili rin sa tuwid at makipot. Dalangin ko na sa pamamagitan ng Espiritu ng Katotohanan, tulungan Mo akong ipahayag ang Katotohanan at Katotohanan lamang. At sa pamamagitan ng parehong Espiritung nagpapahayag sa akin, bigyan ng kakayahan ang bawat isa na maintindihan ito. Ito ang aking dalangin sa pangalan ni Hesus, amen.

Ang pagpapataw, aking minamahal na mga kaibigan, ay ginagawang legal na posible at palaging humahantong sa paglilipat. Nang ang ating mga kasalanan ay ipinataw kay Kristo sa krus, ano ang inilipat sa Kanya? Katatapos lang nating sabihin na ang pagpapataw ay ginagawang legal na posible at palaging humahantong sa paglilipat. Kung ang ating mga kasalanan ay ipinataw kay Kristo, may kailangang ilipat sa Kanya. Ano ang inilipat kay Hesus sa krus? Ang ating kamatayan. Naririnig ko ba ang “amen”? {Amen} Namatay ba si Kristo ng ating kamatayan sa krus? Oo. Bakit Niya naranasan ang ating kamatayan? Sapagkat ang ating mga kasalanan ay ipinataw sa Kanya. At batay sa kung ano ang ipinataw sa Kanya, ang ating kamatayan ay inilipat sa Kanya. Tunay ba Niyang tinanggap sa Kanyang pagkatao ang ating kamatayan? Naging bahagi ba ito ng Kanyang karanasan? Oo. Tunay ba Siyang namatay? Oo.

Ngayon ay sundan ninyo ito: Kung hindi Siya tunay na namatay, kung ang ating kamatayan ay hindi inilipat sa Kanya, malalaman ba natin nang may katiyakan na ang ating mga kasalanan ay tunay na ipinataw sa Kanya? Hindi, wala sana tayong dahilan, sundan ninyo ito, wala sana tayong lehitimong dahilan upang maniwala na ang ating mga kasalanan ay ipinataw sa Kanya kung ang ating kamatayan ay hindi inilipat sa Kanya. May katuturan ba ito sa inyo? Nakikita ninyo, alam nating ang ating mga kasalanan ay tunay na ipinataw sa Kanya, at tunay na itinuring Siya ng Diyos na makasalanan dahil dito, sapagkat ang ating kamatayan ay inilipat sa Kanya. Mahalaga ba ito? Oo naman. Bakit? Dahil sa kabilang bahagi ng transaksyon.

Ngayon ay pakinggan ninyong mabuti, mga antinomiano. Kapag ang katuwiran ni Kristo ay ipinataw sa atin, ginagawa nitong legal na posible, at hindi maiiwasang humantong sa, paglilipat ng isang bagay sa atin. Ano ito? Ang buhay ni Kristo. Naririnig ko ba ang “amen”? {Amen} Dahil ang katuwiran ni Kristo ay ipinataw sa atin, ginagawa nitong legal na posible at humahantong sa paglilipat ng buhay ni Kristo sa atin. Namumuhay tayo ng Kanyang buhay dahil ang Kanyang katuwiran ay ipinataw sa atin. Ngunit alin ang sanhi at alin ang bunga? Ito ay napakahalagang punto; huwag ninyong palampasin. Huwag ninyong palampasin. Inaring-ganap ba ako dahil namumuhay ako ng Kanyang buhay? O namumuhay ba ako ng Kanyang buhay dahil ako ay inaring-ganap? Sige na, alin ito? Mabuti sa inyo; ito ay ang huli. Mahalaga ba ito? May kabuluhan ba ito? Oo naman, aking minamahal na mga kaibigan. Nakikita ninyo, sa sandaling magsimula tayong mag-isip na tayo ay inaring-ganap dahil namumuhay tayo ng Kanyang buhay, sa aling hukay tayo dumudulas? Sa hukay ng legalismo.

Ngunit sa sandaling mag-isip tayo na maaari tayong ariin na ganap nang hindi namumuhay ng Kanyang buhay, sa aling hukay tayo dumudulas? Sa hukay ng murang biyaya, antinomianismo. Nakakasunod ba kayo? Nakikita ninyo, aking minamahal na mga kaibigan, ito ay malapit na kaugnay sa pangunahing katotohanan na ang pananampalataya na walang gawa ay ano? patay. {Sant 2:17} Kung tunay akong naniniwala na ako ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa dugo ni Kristo, ang parehong pananampalatayang iyon ay tatanggap ng pangalawa sa dalawahang probisyon, ang tubig… ang tubig ng buhay. At ito ay ilalipat sa akin, at ako ay mamumuhay ng Kanyang buhay. Amen? Mamumuhay ako ng Kanyang buhay. Ngunit hindi ako inaring-ganap dahil namumuhay ako ng Kanyang buhay. Namumuhay ako ng Kanyang buhay dahil ako ay inaring-ganap.

Ngayon, kung may katanungan kayo tungkol dito, tingnan ninyo ito. Si Kristo ba ay hinatulan dahil namatay Siya ng aking kamatayan? O namatay ba Siya ng aking kamatayan dahil Siya ay hinatulan? Alin ang sanhi at alin ang bunga? Hindi gaanong matapang sa puntong ito; tanungin ko muli. Si Kristo ba ay hinatulan dahil namatay Siya ng aking kamatayan? O namatay ba Siya ng aking kamatayan dahil Siya ay hinatulan? Ang huli: Namatay Siya ng aking kamatayan dahil Siya ay hinatulan. Ngayon mga kaibigan, kung iniisip ninyong hindi kinakailangang magsuri nang ganito kadetalyado, pakiusap, hinihiling ko sa inyo na mag-isip muli. Gaya ng ipinahiwatig ko kanina, tayo ay nakikitungo sa puso at ubod ng isyung nagpasimula ng buong dakilang repormasyon. Nakita ninyo, itinuturo ng Romano Katolisismo na ginagawa tayo ng Diyos na Banal, at pagkatapos batay sa kung ano ang ginagawa Niya sa atin, inaaring-ganap Niya tayo. Sa teolohiya ay tinatawag itong “infused grace.” Ano ang tawag dito? “Infused grace.” Itinuturo nito na ginagawa tayong banal ng Diyos sa pamamagitan ng gawa ng Banal na Espiritu sa atin, at pagkatapos batay sa kung ano ang ginawa Niya sa atin, inaaring-ganap Niya tayo. Nakita ninyo, marami ang nagsasabi na itinuturo ng Romano Katolisismo ang katuwiran sa pamamagitan ng gawa, ang ating sariling pagsisikap na sundin ang kautusan, ngunit hindi nila ito itinuturo. Itinuturo nila na ang ginagawa ng Banal na Espiritu sa atin ang siyang nagpapabanal sa atin, infused grace. Ngunit aking minamahal na mga kaibigan, pakiusap na maintindihan na hindi ang ginagawa ng Banal na Espiritu sa atin ang nag-aaring ganap sa atin. Ang ginagawa ng Banal na Espiritu sa atin ang nagpapabanal sa atin. Naririnig ko ba ang “amen”? {Amen} Hindi ang buhay na pinabanal ang nag-aaring ganap sa atin. Ang buhay at kamatayan ni Kristo para sa atin, na kinredito sa ating account, ang nag-aaring ganap sa atin. Naririnig ko ba ang “amen”? {Amen} Ang buhay na pinabanal ay ang bunga ng pag-aaring ganap, hindi ang sanhi ng pag-aaring ganap. Magkakasama ba tayo sa puntong ito?

Sa sandaling magsimula tayong isipin ang buhay na pinabanal bilang sanhi ng pag-aaring ganap ay ang sandaling tayo ay mahuhulog sa legalismo. At iyan ang dahilan kung bakit ang Romano Katolisismo ay may lahat ng mga bagay na maaari mong gawin para sa merito. At maaari mo, sa pamamagitan ng nangyayari sa iyong buhay, na kitain ang iyong pagtanggap, kitain ang oras sa labas ng purgatoryo, atbp. Ngunit ang pumuputol sa ugat ng buong sistema ay ang simpleng katotohanang ang matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya. {Rom 1:17} Sa ano? Sa pananampalataya mabubuhay. At “ang pananampalataya ay siyang katunayang may mga bagay na hindi nakikita.” {Heb 11:1}Nakikita ba natin ang ating mga gawa? Kaya ba natin? Oo, nakikita natin ang ating mga gawa; tiyak na kaya. At aking minamahal na mga kaibigan, kung iniisip ninyong kayo ay inaring-ganap batay sa anumang nakikita ninyo, kayo ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa hindi sa pananampalataya. Ano ang nag-aaring ganap sa atin? Ito ay ang ginawa ni Hesukristo para sa atin, na kinredito sa ating account. Hindi ito ang nakikita natin sa ating sarili. Ito ay ang nakikita lamang natin sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya kay Hesus. Malinaw ba ito sa atin?

Ang nangyayari sa atin, mahalaga ba ito? Kinakailangan ba ito? Oo. Dapat ba tayong mapaging-banal? Oo. Kung wala tayong kagalingan, isang moral na kaangkupan, hindi tayo papayagang pumasok sa langit. Ngunit aking minamahal na mga kaibigan, ang ating kagalingan ay hindi karapat-dapat. Hindi ito kumikita ng buhay na walang hanggan, ito ay naghahanda lamang sa atin na tamasahin ito! Naririnig ko ba ang “amen”? {Amen} Uulitin ko: Ang iyong moral na kagalingan, ang aking moral na kagalingan ay walang kinalaman sa pagkita ng buhay na walang hanggan. Ngunit maniwala ka na ito ay may kinalaman sa paghahanda upang tamasahin ito. Sino lamang ang kumita ng buhay na walang hanggan? Si Hesukristo, sa pamamagitan ng Kanyang buhay at ng Kanyang kamatayan.

Ngunit may tanong ako sa inyo. Ang likas na tao, na ang laman ng pag-iisip ay kalaban ng Diyos, magkakaroon ba siya ng moral na kagalingan para sa langit? Magiging masaya ba siya doon? Hayaan ninyong sabihin ko ang isang bagay na gusto kong… kung wala kayong maaalalang iba mula sa seminar na ito, kung wala kayong maaalalang iba mula sa lahat ng pagpupulong na ito, pakiusap tandaan ito: Hindi dadalhin ng Diyos sa langit ang sinumang hindi magiging masaya doon. Narinig ba ninyo ang sinabi natin? Pakitandaan ito; uulitin ko. Hindi dadalhin ng Diyos sa langit ang sinuman na hindi magiging masaya doon. Magiging masaya ba ang likas na tao sa langit? Kinasusuklaman ng likas na tao ang Diyos. At ano ang tungkol sa langit? Ito ay pamumuhay sa presensya ng Diyos. {Gen 3:8; Awit 68:2; Luk 1:19}Magiging masaya ba ang likas na tao sa pamumuhay sa presensya ng Diyos? Siya ay magiging labis na miserable. Ano ang nagbibigay ng kagalakan at kaligayahan sa mga mamamayan ng langit? Ito ay ang pagkakilala, pagkukusa, at paggawa ng mabuting kalooban ng Diyos. Nakatatagpo ba ang likas na tao ng anumang kagalakan sa ganito? Hindi. “Ang kaisipang laman ay kalaban ng Diyos, sapagkat hindi ito nasasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaaring masunod ito.” {Rom 8:7}

Natatanto ba ninyo na sinasabi sa atin ng inspirasyon na ang hindi nagbalik-loob, likas na tao, ang langit para sa kanya ay magiging lugar ng pagpapahirap? {GC 542.2} Ang langit ay magiging impiyerno sa isang taong hindi nagbalik-loob. Magiging impiyerno ito. At ito mismo ang dahilan, aking minamahal na mga kaibigan, kung bakit hindi maaaring dalhin ng Diyos sa langit ang sinumang hindi banal. Naririnig ko ba ang “amen”? {Amen} Sapagkat, gaya ng sinabi natin kanina, ang kaligayahan ay produkto ng kabanalan. Nakakasunod ba kayo? Ang kaligayahan ay ano? Ang produkto ng kabanalan. Napakaraming tao ang gumagugol ng kanilang buong buhay sa paghahanap ng kaligayahan, at hindi nila ito natatagpuan. Bakit? Sapagkat kung hinahanap mo ito, hindi mo ito matatagpuan. Kung hinahanap mo ang kaligayahan, hindi mo ito matatagpuan. Nakita ninyo, kung hinahanap mo ang pagpapaligaya sa iyong sarili, ito ay pangunahing makasarili. At ang taong makasarili ay hindi kailanman masaya. Naririnig ba ninyo ako? Nilikha tayo ng Diyos upang matagpuan ang ating kaligayahan sa pagbibigay ng ating sarili sa iba. May katuturan ba ito sa inyo? Iyan ang nagdudulot ng kaligayahan; ito ay kabanalan, ito ay pamumuhay nang lubos para sa Diyos at para sa iba, hindi para sa iyong sarili. Iyan ang kabanalan: Ito ay pamumuhay para sa Diyos at para sa iba. Iyan ay pamumuhay nang naaayon sa kautusan. Iyan ay pamumuhay nang naaayon sa prinsipyo ng pag-ibig na nagpapakasakit at mapagkaila sa sarili. At kung kayo ay magiging masaya, kung ako ay magiging masaya, kailangan nating matutong maging banal. At ito mismo ang kabanalan na ating mahalagang kagalingan para sa langit. Iyan ang moral na kaangkupan na dapat nating taglayin kung tayo ay magiging masaya doon. Nakakasunod ba kayo? Ang buhay na pinabanal kung gayon, ay ang proseso kung saan inihahanda tayo ng Diyos na maging masaya sa langit. Ito ang paraan kung saan tinuturuan tayo ng Diyos na maging banal, upang tayo ay maging masaya sa langit. Sapagkat lahat ng naroon ay banal.

At sa pagkakataong ito, kailan natin dapat matutong maging masaya sa kabanalan? Ito ay dito at ngayon, aking minamahal na mga kaibigan. Ito ay dito at ngayon, sa panahon ng pagsubok. Ang pagpapabanal, lubos na kinakailangan, walang paraan na makakapasok tayo sa langit nang hindi pinabanal, ngunit wala itong kinalaman sa pagkita ng buhay na walang hanggan; hindi ito karapat-dapat. Ngunit ito ay kinakailangan kung tayo ay magiging masaya doon. Nakita ninyo, iyan ang kailangan ninyong maintindihan… kailangang maintindihan iyan.

Oh mga kaibigan, kung sa biyaya ng Diyos ay makarating tayo sa langit… Kung sa biyaya ng Diyos ay makarating tayo sa langit, may nagawa ba tayong anuman upang maging karapat-dapat dito? Kung mayroon kayong anumang katanungan tungkol dito, o anumang pag-aalinlangan, kailangan ninyong tanungin ang inyong sarili, may ginawa ba si Kristo upang maging karapat-dapat sa kamatayan? Pakinggan ninyo ang kahanga-hangang pahayag na ito… dalawa sa kanila. Desire of Ages, pahina 25: “Si Kristo ay tinrato gaya ng nararapat sa atin, upang tayo ay matrato gaya ng nararapat sa Kanya. Siya ay hinatulan para sa ating mga kasalanan kung saan Siya ay walang” ano? “bahagi, upang tayo ay maaaring ariin na matuwid sa pamamagitan ng Kanyang katuwiran kung saan tayo ay walang” ano? “bahagi. Tiniis Niya ang kamatayan, na sa atin, upang matanggap natin ang buhay, na sa Kanya. ‘Sa pamamagitan ng Kanyang mga latay tayo ay gumaling. ‘” {Isa 53:5} At pagkatapos pakinggan ninyo ito: Signs of the Times, Hunyo 27, 1900, “Siya na hindi nakakilala ng kasalanan ay ginawang kasalanan para sa atin, upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa Kanya.’ {2 Cor 5:21} ‘sa Kanya inilagay ang mga kasamaan nating lahat. {Isa 53:6} Siya ay nabubuhay upang maging ating Tagapamagitan. Wala siyang ginawang karapat-dapat sa kamatayan, gayunman Siya ay namatay. At kung maririnig natin ang masayang mga salita, ‘Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin; …pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon, {Mat 25:21} wala tayong ginawang karapat-dapat sa buhay.” O sige, kailangan kong marinig ang “amen” diyan; aaminin ba ninyo? “Si Hesus, ang walang kasalanan, ay namatay na walang ginawang karapat-dapat sa kamtayan. Ang makasalanan ay naliligtas na walang ginawang karapat-dapat sa kaligtasan. Siya ay ganap na walang merito. Ngunit, nadadamitan ng walang dungis na balabal ng katuwiran ni Kristo, siya ay tinatanggap ng Diyos.” Purihin ang Diyos; amen? Iyan mga kaibigan, ang ebanghelyo; iyan ang ebanghelyo! At kung nauunawaan ninyo iyan at pinanghahawakan, tiyak na mananatili kayo sa labas ng parehong hukay… parehong hukay. Pakiusap, oh dalangin ko na iyan ay malinaw.

Ngayon, ang gusto kong gawin ay magpatuloy upang tingnan kung paano tayo pinababanal. Ang pamagat ng aralin ay: “Pabanalin sa pamamagitan ng,” ano? “Paghuhugas ng Tubig” “Pabanalin sa pamamagitan ng,” ano? “Paghuhugas ng Tubig.” {Ef 5:26} Una nating tiningnan ang dugo at pagkatapos sa huling pag-aaral na ito, sinikap nating pagsamahin nang hindi mapaghihiwalay ang dugo at tubig, pag-aaring-ganap at pagpapabanal, titulo at kagalingan, ipinataw na katuwiran, inilipat na katuwiran, upang matiyak na bagama’t ating inihihiwalay ang mga ito ay hindi natin kailanman, ano? Pinaghihiwalay. At ngayon gusto kong pagtuunan ang tubig at kung ano ang ginagawa nito… kung ano ang sinisimbolo nito. Marahil ay nahulaan na ninyo kung ano ang sinisimbolo nito, o napagpasyahan.

Selected Messages, Tomo 1, pahina 215: “Ang bugtong na Anak ng Diyos ay namatay upang tayo ay mabuhay. Tinanggap ng Panginoon ang handog na ito para sa atin, bilang ating kahalili at tagagarantiya, sa kondisyong tayo ay” ano? “tumanggap kay Kristo,” Huminto sandali. Ang probisyon ay makukuha ng lahat, ngunit ito ay inilalapat nang indibidwal. Nakakasunod ba kayo? May kalituhan sa atin bilang isang bayan sa mismong isyung ito, sa pagkakataong ito, kaya kailangan kong ulitin iyan. Ang probisyon para sa buhay na walang hanggan, para sa pag-aaring-ganap, ay makukuha ng lahat. Ito ay para sa sinumang may gusto, ngunit aking minamahal na mga kaibigan, ito ay inilalapat nang indibidwal, sapagkat kailangan nating lumapit sa krus at personal na tanggapin si Hesukristo bilang ating Tagapagligtas. Naririnig ko ba ang “amen”? {Amen} “Tinanggap ng Panginoon ang handog na ito para sa atin bilang kahalili at tagagarantiya, sa kondisoyng tanggapin natin si Kristo at maniwala sa Kanya. Ang makasalanan ay dapat lumapit kay Kristo sa pananampalataya at kumapit sa Kanyang mga merito, ilagay ang kanyang mga kasalanan sa Tagapasan ng Kasalanan at tanggapin ang Kanyang kapatawaran” At sa pagkakataong ito, lahat ng ito ay inilalarawan sa santuwaryo at sa mga paglilingkod nito, hindi ba? Nagpapatuloy sa pagbabasa: “Ito ang dahilan kung bakit si Kristo ay naparito sa mundo. Sa gayon ang katuwiran ni Kristo ay ipinataw sa nagsisising makasalanang sumasampalataya. Siya ay nagiging miyembro ng maharlikang pamilya, isang anak ng makalangit na Hari, isang tagapagmana ng Diyos, at kasamang tagapagmana ni Kristo.”

Ngayon, sa anong batayan tayo nagiging miyembro ng maharlikang pamilya? …isang anak ng makalangit na Hari? Sa pamamagitan ng personal na pagtanggap kay Hesukristo bilang ating Tagapagligtas. At ang pagtanggap kay Kristo, aking minamahal na mga kaibigan, ay pagtanggap sa Kanyang Espiritu. Ang pagiging kay Kristo ay kung ano ang dapat natin upang maaring-ganap, ang pagkakaroon ni Kristo sa atin, ay kung ano ang dapat natin upang mapaging-banal. Ngunit gaya ng sinabi natin dati, ang parehong pananampalataya na naglalagay sa inyo kay Kristo ay magdadala kay Kristo sa inyo. Tatanggapin natin Siya sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang ano? Espiritu. Pakitandaan, bilang mga miyembro ng maharlikang pamilya, ano ang ating tinatanggap? Galatians 4:6: “At dahil kayo ay mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng Kanyang Anak sa inyong mga puso, na sumigaw, ‘Aba, Ama!'” Ang Espiritu ng Kanyang Anak ay pumapasok saan? Sa ating mga puso, ito ay nagiging bahagi natin; ito ay inililipat. Amen? {Amen} At ito ang Espiritung nagbabago ng ating moral na kalagayan. Magkakasama ba tayo?

Efeso 1:13-14: “Sa Kanya kayo rin ay nagtiwala, matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan; sa Kanya rin, matapos manampalataya kayo ay tinatakan ng Banal na Espiritu ng pangako, na siyang katiyakan ng ating mana hanggang sa pagtubos ng tinubos na pag-aari, sa kapurihan ng Kanyang kaluwalhatian.” Nakita ninyo, ano ang Banal na Espiritu? Ang Banal na Espiritu ang katiyakan ng ating mana. Aking minamahal na mga kaibigan, mayroon tayong karapatan sa buhay na walang hanggan, ngunit kung tayo ay tunay na magmamana nito, kung tayo ay tunay na makakaranas ng buhay na walang hanggan, kailangan nating maghanda para dito; kailangan tayong gawing banal. At ano ang katiyakan na tayo ay magagawang banal at maihahanda? …magagawang banal at maihahanda. Ito ang Banal na Espiritu, tumpak… ito ang Banal na Espiritu. Sa pamamagitan ng Espiritu, na siyang kaloob ng makalangit na Ama, tayo ay ginagawang banal.

Ngayon ang kaloob na ito ay isang bagay na dapat nating personal na tanggapin, at dapat nating personal na hingin. Lucas 11:13: “Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit na magbibigay ng Banal na Espiritu sa mga,” ano?“humihingi sa Kanya.” Pakiusap na maintindihan ang isang napakahalagang bagay dito: Sa buong plano ng kaligtasan, hindi kailanman gumagawa ang Diyos ng anuman na labag sa ating malayang kalooban. Nakakasunod ba kayo sa puntong ito? Ito ay mahalagang konsepto. Iyan ang dahilan kung bakit, sa bawat hakbang, dapat tayong “humingi at ito ay,” ano? “ibibigay.” {Mat 7:7} Nananabik ba ang Ama na ibigay sa atin ang Espiritu? Oo, higit pa sa ating pagsabik, bilang mga magulang, na magbigay ng mabubuting kaloob sa ating mga anak. Ngunit maaari bang ibigay ito ng Ama sa atin kung hindi natin hihilingin? Hindi, bakit? Sapagkat ito ay magiging paglabag sa ating malayang kalooban, at hindi Niya ginagawa iyon, hindi Niya ginagawa iyan. Ito ang dahilan kung bakit bagaman ito ay malayang makukuha, dapat nating ano? Hingin ito… hingin ito. Ang buong sistema ng langit ay gumagana sa simpleng prinsipyong ito, “Humingi at ito ay ibibigay.”

At muli, sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, na dapat nating tanggapin nang higit at higit na ganap sa bawat araw ng ating buhay, si Kristo ay nananahan sa atin nang higit at higit na ano? Ganap. Tayo ay lumalago sa pagpupuno ng Espiritu. Tayo ay lumalago sa ating pakikibahagi sa kalikasan ni Hesukristo. Isaiah 57:15, Mula sa King James na bersyon, mas gusto ko ito roon: “Sapagkat ganito ang sinasabi ng Kataas-taasan at Dakila na nananahanan sa kawalang-hanggan, na ang pangalan ay Banal; Ako ay nananahanan sa mataas at banal na dako kasama rin niya na may bagbag at mapagkumbabang espiritu upang buhayin ang espiritu ng mapagkumbaba at buhayin ang puso ng mga bagbag ang kalooban.” Hindi ba’t ito ay napakahahalaga? Hindi ba’t ito ay mabuting balita? Ang Diyos ay hindi lamang nananahan sa langit, kundi Siya ay nananahan saan? Sa ating mga puso… Siya ay nananahan sa ating mga puso. At ang Kanyang presensyang nananahan sa katauhan ng Espiritu ni Kristo ang nagbabago sa atin, aking minamahal na mga kaibigan, sa pamamagitan ng pagbabago ng ating ano? …ating mga isipan. At tayo ay binabago ng Espiritu, balik sa ating susing teksto, mula sa ano? Kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ni Pablo sa Colosas 1:27, Ito ay, “si Kristo sa inyo, ang pag-asa ng,” ano? “kaluwalhatian.” Nakikita ba ninyo kung paano ito lahat ay magkakaugnay? Si Kristo sa inyo, ang pag-asa ng kaluwalhatian.

Ngayon, gusto kong umurong at magbuod sa pamamagitan ng pagbabahagi sa inyo ng kahanga-hangang pahayag na ito mula sa panulat ng inspirasyon. Youth’s Instructor, December 6, 1894: Ito ay nagbubuod ng ating mga sinasabi, ngunit sinasabi ito sa ilalim ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, kaya maaari ninyong ilagay ang buong tiwala dito; ito ay may kapangyarihan. Sipi: “Nagbayad si Kristo ng napakataas na halaga para sa mga mansiyon na Kanyang inihanda para sa mga taong maninirahan sa mga mansiyong iyon.” Patawad: “Ang mga maninirahan sa mga mansiyong iyon ay dapat maging akma sa lipunan ng langit sa pamamagitan ng katuwiran ni Kristo, at sa pamamagitan ng gawa ng Banal na Espiritu . Ang paghahanda para sa langit ay dapat gawin” kailan mga kaibigan? “sa panahon ng pagsubok, …” Kailan iyan? Iyan ay ngayon na, at naririto ako upang sabihin sa inyo, minamahal na mga kaibigan, hindi na gaanong marami ang natitira nito – pakiusap na malaman ninyo iyan. “Ang paghahanda para sa langit ay dapat gawin sa panahon ng pagsubok, at dapat magkaroon ng pagsuko ngayon sa gawa ng Espiritu ng Diyos sa puso, upang ang kaluluwa ay mailapit sa pakikipag-ugnayan sa langit, at…” makinig nang mabuti, “…maaaring maturuan na tamasahin ang mga katotohanan ng walang hanggang mundo.” Ano ang buong layunin ng pagpapabanal? …ang gawa ng Banal na Espiritu sa atin? Ito ay ang ihanda tayo na tamasahin ang langit. Ito ay ang magbigay sa atin ng moral na kagalingan. Ito ay ang tulungan tayo na matagpuan ang ating kaligayahan sa kabanalan. Magpatuloy sa pagbabasa: “Ang katuwiran ni Kristo, na ipapataw sa sumasampalatayang kaluluwa, ang magiging titulo na magtatiyak ng kanyang pagpasok sa langit. Sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu ng Diyos, ang mananampalataya ay binabago sa pagkatao; …” Nakikita ninyo ngayon tayo ay nagsasalita tungkol sa kagalingan. “Ang pag-ibig na ipinahayag sa kanya sa kamatayan ni Kristo, ay nagpapagising ng tugon ng mapagpasalamat na pag-ibig, at bilang tugon sa taos-pusong panalangin, ang mananampalataya ay dinadala mula sa biyaya tungo sa biyaya, nula kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, hanggang sa pamamagitan ng pagmasdan kay Kristo, siya ay binabago sa kaparehong larawan.” Nakikita ba ninyo kung paano nito pinagsasama-sama ang lahat ng pinag-aaralan natin? Oh, pinahahalagahan ko ang pahayag na iyan; kailangan kong ibahagi iyan sa inyo.

Ngayon, ang kagalingang ito para sa langit, ano ito? Sa diwa, ano ito? Sa isang salita ito ay kabanalan, aking mga kaibigan. Ito ay, ano? Ito ay kabanalan. Hebreo 12:14: “Sundin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng tao, at ang kabanalan, na kung wala nito ay walang sinuman ang makakakita sa Panginoon.” “Sa puso ng tao ay dumarating ang kanyang tunay na pagkatao.” {Kaw 23:7} At ang lugar na dapat nating magkaroon ng kabanalan ay saan? Ang lugar na dapat nating pagbanalin ay saan? Sa bagay, nasaan tayo? Tayo ay nasa pagitan ng kanang at kaliwang tainga. Napag-usapan na natin iyan. “Kung ano ang iniisip ng tao sa kanyang puso ay gayon din ang kanyang pagkatao.” {Kaw 23:7} Nakakasunod ba kayo? Kaya kung saan tayo dapat maging banal kung tayo ay magiging tunay na banal? Sa isipan. Dapat nating matamo ang pag-iisip ni Kristo. Naririnig ko ba ang “amen”? {Amen} Oh aking minamahal na mga kaibigan, pakiusap na huwag mawala sa paningin ang espirituwal na kalikasan ng kabanalan. At kapag sinabi kong “espirituwal,” ako ay nagsasalita tungkol sa nangyayari sa pagitan ng kanang at kaliwang tainga. Ang nangyayari sa isipan, sa puso, doon tayo dapat matutong maging banal. Gaya ng sinabi ni Kristo sa Sermon sa Bundok, Mateo 5:8: “Mapalad ang” ano? “malinis ang puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.”

Kung walang kabanalan walang tao ang makakakita sa Diyos. Ngunit saan ka dapat maging banal, saan ka dapat maging malinis? Sa puso… malinis sa puso. Gusto kong ipahayag ang talatang iyan sa ganitong paraan: Masaya ang mga banal sapagkat sila ay patungo sa langit; masaya ang mga banal sapagkat sila ay patungo sa langit. Ngayon, ang kabanalanang ito ba ay isang bagay na maaari nating pagwalang-bahala, aking minamahal na mga kaibigan, sa mga huling oras na ito ng kasaysayan ng mundo? Kaya ba nating pagwalang-bahala ang pagtugis sa kabanalan? Pakiusap na malaman na hindi natin kaya.

 Review and Herald, Mayo 30, 1882, pakinggan: “Ito ay isang dakila, isang taimtim na gawain ang magkaroon ng moral na kagalingan para sa lipunan ng mga dalisay at mapalad. Ang Salita ng Diyos ay naghaharap ng pamantayan kung saan dapat nating iakma ang ating buhay at pagkatao. Maaari nating piliin na sundin ang ibang pamantayan, na mas naaayon sa ating mga puso, ngunit hindi natin makakamit kailanman ang banal na pagsang-ayon. Sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa Salita ng Diyos, maaari tayong umasa na makarating sa ‘sukat ng pananampalataya ng kapuspusan ni Kristo.’ Ngunit dapat nating gawin ito o hindi tayo makakapasok sa langit kailanman.”

Aking minamahal na mga kaibigan, pakiusap na maintindihan ang ganap na pangangailangan ng moral na kagalingan, kung tayo ay makakapasok sa langit. At paano natin makakamit ang moral na kagalingang ito? ang paglilinising ito na tinatawag na kabanalan o pagpapabanal? Paano natin ito makakamit? “Sa pamamagitan ng paghuhugas ng,” ano? “tubig.” {Ef 5:26} Sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig, tayo ay pinababanal sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig. Sige, sa wakas ay nakarating na tayo sa tubig. Ano ang sinisimbolo nito? Naunawaan na ba ninyo ito? Ano ang sinisimbolo ng tubig? Ito ay sumasagisag sa Banal na Espiritu. Ano ang sinisimbolo ng tubig? Ang Banal na Espiritu.

Juan kapitulo 7:37, pakinggan: “Sa huling araw, ang dakilang araw ng kapistahan, si Hesus ay tumayo at sumigaw, na nagsasabi, ‘Kung sinuman ay nauuhaw, lumapit sa Akin at uminom. Siya na sumasampalataya sa Akin, gaya ng sinabi ng Kasulatan, mula sa kanyang puso ay aagos” ang ano? “mga ilog ng tubig na buhay.'” At ano ang kaagad… Ano ang kaagad na sinabi ng Kasulatan na Kanyang tinutukoy? Talata 39: “Ngunit ito ay Kanyang sinabi tungkol sa Espiritu.” Sige aking minamahal na mga kaibigan, ang tubig kung gayon na umagos mula sa nasugatang tagiliran ni Hesukristo na nakabayubay sa krus, ano ang sinisimbolo nito? Ang Banal na Espiritu. Ngayon ang ilan sa inyo ay maaaring nag-iisip, “Teka muna, akala ko ang Banal na Espiritu ay sinisimbolo ng langis.” Oo, ng apoy, at ng hangin… ngunit sa kasong ito ay tubig ang sumasagisag sa Banal na Espiritu. Partikular, malinaw na ito ay kinikilala bilang simbolo para sa Banal na Espiritu.

Ngayon, sa pang-unawang ito, tingnan natin ang ilang mga talata ng Kasulatan tungkol sa paghuhugas. Tito 3:5-7: “…hindi sa pamamagitan ng mga gawang matuwid na ating ginawa, kundi ayon sa Kanyang awa ay iniligtas Niya tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas ng muling kapanganakan, at pagbabago ng Banal na Espiritu, …” Nakita ninyo ang tubig, ang Banal na Espiritu, ang naghuhugas sa atin, nagbabago sa atin, nagbibigay sa atin ng bagong buhay. Talata 6: “…na Kanyang ibinuhos ng sagana sa pamamagitan ni Hesukristo na ating Tagapagligtas, upang yamang inaring-ganap sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, tayo ay maging tagapgmana ayon sa pag-asa ng buhay na walang hanggan.” Pakiusap na pansinin ang wika ni Pablo dito; ito ay napakamakabuluhan. Tayo ba ay hinugasan ng Banal na Espiritu, pinabanal, upang sa gayon ay maaaring-ganap? Hindi; ano ang wika? “…yamang inaring-ganap sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.” Nakita ninyo, ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya sa dugo na tayo ay inaring-ganap. Ngunit yamang inaring-ganap sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, ano ang kailangan nating gawin? Kailangan nating maging handa na maging mga tagapagmana, ayon sa pag-asa ng buhay na walang hanggan. Nakita ninyo ang dugo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa ng buhay na walang hanggan, ang tubig ay nagbibigay sa atin ng kagalingan upang tunay na maranasan ito. Magkakasama ba tayo sa puntong ito?

Narito ang isa pang talata tungkol sa “paghuhugas. Efeso 5:25 at kasunod: “Mga asawa, ibigin ninyo ang inyong asawa, gaya naman ni Kristo na umibig sa iglesia at ibinigay ang Kanyang sarili para dito, upang” ano? “pabanalin at linisin ito sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita.” Sa isang sandali lang… ang Banal na Espiritu ay palaging gumagamit ng Salita ng Diyos upang pabanalin tayo. Gusto kong ulitin iyan: Ang Banal na Espiritu, ano? Palaging gumagamit ng Salita ng Diyos upang pabanalin tayo. Sa katunayan gusto kong sabihin ito sa ganitong paraan: Ang Espiritu ay hindi gumagana nang walang Salita, at ang Salita ay hindi gumagana nang walang Banal na Espiritu. Tanging ang dalawang magkasama ay may kapangyarihang magpabanal sa buhay ng sinumang mananampalataya.

At hayaan ninyong bigyan ko kayo ng munting babala dito. Ginagaya ni Satanas ang lahat ng bagay. Sa katunayan, bago matapos ang lahat, kanyang gagayahin maging sino? Si Hesukristo… siya ay magiging huwad na Mesiyas. Ngunit sino ang kanyang kasalukuyang ginagaya sa Kristiyanismo? Ang Banal na Espiritu… ang Banal na Espiritu. Oh, napakaraming simbahan sa Kristiyanismo ang labis na nasasabik sa ginagawa ng “Banal na Espiritu” sa kanilang kalagitnaan. May ilang kagila-gilalas na supernatural na bagay ang nangyayari. Sa katunayan, aking minamahal na mga kaibigan, ito ay magiging lalong kagila-gilalas at supernatural. Bago matapos ang lahat ang kaaway ay gagawa ng “mga tanda at mga kababalaghan… upang linlangin, kung maaari,” sino? “maging ang mga hirang.” {Mat 24:24}At hindi natin mapagtitiwalaan ang ating mga pandama upang malaman kung ito ba ay ang Banal na Espiritu o hindi. Paano natin malalaman kung ito ay ang tunay o ang huwad? Paano natin malalaman? Kung ito ay ang tunay, pakinggan ninyo ako, ang mga nasa ilalim ng impluwensya nito ay tiyak na masigasig na nag-aaral ng Salita ng Diyos at naghahangad na maintindihan, malaman at gawin ang mabuting kalooban ng kanilang Panginoon at Tagapagligtas, si Hesukristo. Upang malaman, gawin at isagawa ang mabuting kalooban ng kanilang Panginoon at Tagapagligtas, si Hesukristo. Iyan ay palaging kung saan pinangungunahan ng Banal na Espiritu ang mga nasa ilalim ng Kanyang impluwensya na gawin.

Natatandaan ko nang mabuti, ilang taon na ang nakalilipas, ngunit natatandaan ko ito na parang kahapon lamang. Nakikipag-usap ako sa isang binata at siya ay lubhang nasasabik sa ginagawa ng “Banal na Espiritu” sa kanyang buhay, at sa kanyang simbahan kung saan siya nakikisama. At sinabi ko sa kanya, “Kapatid napakaganda niyan. Tiyak na kayo ay tunay na nagsisiyasat sa Salita at nag-aaral at natututo nang marami.” At siya ay nagulat sa akin at sinabi, “Pare, ano ang sinasabi mo? Hindi ko kailangan ang Salita; nasa akin ang Banal na Espiritu na nagsasabi sa akin kung ano ang gagawin.” Maliwanag na pulang bandila, aking minamahal na mga kaibigan; tinitiyak ko sa inyo na iyon ay ang huwad. Pakiusap na mag-ingat; pakiusap na tandaan iyan. Ang Banal na Espiritu ay palaging gumagamit ng Salita upang pabanalin tayo.

At ano ang layunin ng pagdadalisay na ito, ng paghuhugas na ito, ng pagbabanal na ito? Tingnan ang talata 27 at mangyaring bantayan ang inyong susing salita rito. “Upang maiharap Niya sa Kanyang Sarili ang” ano? “ang isang maluwalhating iglesya, na walang dungis, o kulubot, o anumang katulad nito; kundi upang ito ay maging banal at walang kapintasan.” O mga minamahal kong kaibigan, ano ang gawain ng Banal na Espiritu? Upang baguhin tayo mula saan? Kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian. Upang tayo ay maging ano? Isang maluwalhating iglesya. At ano kaya ang isang maluwalhating iglesya? Sige nga, gamitin ninyo ang inyong susi. Ito ay isang iglesyang sumasalamin sa pagkatao ni Jesucristo. May maririnig ba akong “amen”? {Amen} Iyan ang isang maluwalhating iglesya. At buong puso kong ninanais na ang iglesyang ito ay maging isang maluwalhating iglesya. Ninanais kong ang iglesyang ito ay magningning nang maliwanag sa pamamagitan ng sinag ng magandang pagkatao ni Hesucristo.

Kapag ang iglesyang ito ay naging maluwalhating iglesya, saka lamang ito magiging mabisang saksi para sa Hari, at karapat-dapat na mamamayan ng Kaharian. Nakikita ninyo, ito ang gawain ng Banal na Espiritu, mga minamahal kong kaibigan, hindi lamang upang tulungan tayong maghanda, pakinggan ninyo ako, hindi lamang upang tulungan tayong maghanda sa pagpunta sa langit kapag dumating si Jesus, kundi tulungan din tayong makatulong sa iba na maghanda sa kasalukuyan. At hindi natin ito magagawa maliban kung taglay natin ang pagkakatulad ng pagkatao ni Jesucristo. Ang siya ring bagay na naghahanda sa atin upang makapunta sa langit, ang siyang nagpapaging mabisa sa ating pagiging tagapagwagi ng mga kaluluwa, purihin ang Diyos… at iyan ay ang pagkakahawig kay Cristo. Iyan ay ang pagkakahawig kay Cristo.

 Juan 17:17: “Pakabanalin Mo sila sa pamamagitan ng Iyong katotohanan. Ang Iyong Salita ay katotohanan” Ito ba ay isang pagkakasalungatan? Sinasabi ng Kasulatan na tayo ay pinababanal ng Banal na Espiritu, at sinasabi rin na tayo ay pinababanal ng katotohanan. Hindi, hindi ito pagkakasalungatan. Tandaan na ang Banal na Espiritu at ang Katotohanan, ang Salita, ay laging magkasamang gumagawa. Manuscript Release Tomo 4, pahina 345: “Ang katotohanan, mahalagang katotohanan, ay may nagpapabanal na impluwensya. Ang pagpapabanal ng kaluluwa sa pamamagitan ng kilos ng Banal na Espiritu ay ang pagtatanim ng kalikasan ni Kristo sa sangkatauhan. Ito ay biyaya sa mabubuting gawa. Sa gayon, ang pagkatao ay unti-unting nabubuo nang higit na ganap ayon sa larawan ni Kristo, sa katuwiran at tunay na kabanalan.” Nang higit at higit na ganap. O, iyan ang aking ninanais, mga kaibigan ko… Sumasang-ayon ba kayo? …ang mabago mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian. Nang higit at higit na lubos tungo sa walang hanggang maluwalhating pagkakatulad ng ating Tagapagligtas, Manunubos.

Desire of Ages, page 671: “Sa pamamagitan ng Espiritu ginagawang dalisay ang puso. Sa pamamagitan ng Espiritu ang mananampalataya ay nagiging kabahagi ng banal na kalikasan. Ibinigay ni Kristo ang Kanyang Espiritu bilang banal na kapangyarihan upang mapagtagumpayan ang lahat ng mga likas at pinanghahawakang pagkiling sa kasamaan, at upang ikintal ang Kanyang sariling pagkatao sa Kanyang iglesya.” Napakagaling! Ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang Espiritu upang tulungan tayong mapagtagumpayan ang ilan? Ang lahat ng mga namana at pinanghahawakang pagkiling. At ano pa? Upang ikintal. Anong salitang Griyego ang naririnig ninyo riyan? “Upang ikintal.” Natatandaan ba ninyo ang ating pag-aaral ng salita? “KARAKTER” {Aralin 8} Iyan ang gawain ng Banal na Espiritu: Ang ikintal sa atin ang pagkatao ni Jesucristo..

Kaya mayroon tayo ang panalangin ni Pablo, aking kaibigan. Efeso, kapitulo 3:16 at kasunod: “…na ipinagkaloob Niya sa inyo, ang mga kayamanan ng Kanyang kaluwalhatian, na kayo’y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu sa panloob na pagkatao.” Saglit; saan nga ba nangyayari ang pagbabagong ito? Saan nga ba? Dito ba sa larangan ng ating pag-uugali? Hindi, saan nga ba? Sa panloob na pagkatao. Ngayon kapag nangyari ang pagbabago sa panloob na pagkatao, makikita ba ito sa labas? Oo, talagang oo. Ngunit ang nangyayari sa labas, kung ito ay nagmumula sa nabagong pag-iisip, sa nabagong puso, ay isang tunay na pagpapahayag ng pag-ibig, at hindi lamang pagbabalat-kayo, amen? Tulungan nawa tayo ng Diyos na magbago mula sa loob patungo sa labas.

Alam ba ninyo kung ano ang sinusubukan ng karamihan sa atin? Ang baguhin ang ating sarili mula sa labas papaloob. At hindi ko alam sa inyo, ngunit natuklasan ko na hindi iyan gumagana. Sumasang-ayon ba kayo? Sa loob ng maraming taon, mga minamahal kong kaibigan, ang taong ito ay sinubukang maging Kristiyano sa pamamagitan ng pagbabago ng pag-uugali. At ito ay isang walang kabuluhang pagsisikap, bukod pa sa isa itong kahabag-habag na karanasan. Walang kagalakan dito. Ito ay pangangalit ng ngipin at pilit na pagsunod sa letra ng batas. Ang tanging bagay na maaari mong tagumpayan sa pamamaraang iyan ay ang maging isang pinaputing libingan. Ngunit iyan ang nakakatakot. Maaari kang maging maganda sa labas, at maaari mong linlangin ang iyong sarili at ang iba. Ngunit hindi mo maloloko ang sino? Ang Diyos. Sapagkat hindi Siya tumitingin gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit Siya ay tumitingin saan? Sa puso. {1 Sam 16:7} Tulungan nawa tayo ng Diyos na matutunang magbago mula sa loob patungo sa labas. Tulungan nawa tayo ng Diyos na maranasan ang pagbabagong iyan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Upang “mabago sa pamamagitan ng pagbabago ng ating”ano? “pag-iisip.” {Roma 12:2}

Nakikita ninyo, sinusubukan nating maging mga Kristiyano sa pamamagitan ng pagbabago ng pag-uugali. Nais ng Diyos na tayo ay maging mga Kristiyano sa pamamagitan ng pagbabago ng pag-iisip. Nais Niyang baguhin tayo sa pinakaugat ng ating pagkatao. Para saan? Talata 17: “Upang si Kristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kayo, na nakaugat at nababatay sa pag-ibig, ay magkaroon ng kakayahang umunawa kasama ng lahat ng mga banal kung ano ang lapad at haba at lalim at taas upang makilala ang pag-ibig ni Kristo na hindi kayang abutin ng kaalaman; upang kayo ay mapuspos ng buong kapuspusan ng Diyos.” O kapatid na lalaki, kapatid na babae, napakagandang kapalaran. Napakagandang pribilehiyo ang sa atin kapag tayo ay lumapit sa krus, at tanggapin ang dugo at ang tubig. Ang dugong ginagawa tayong tagapagmana ng Kaharian, at ang tubig na pumapasok at naghahanda sa atin upang manahin ito… binabago tayo mula sa loob patungo sa labas. Talata 20: “Ngayon sa Kanya na may kakayahang gumawa ng lubhang higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumawa” saan? “sa atin, sa Kanya ang kaluwalhatian sa iglesya sa pamamagitan ni Kristo Hesus sa lahat ng mga salinlahi magpakailanman at magpakailanman. Amen.” O, aking kapatid na lalaki, aking kapatid na babae, pinupuri ko ang Diyos para sa dugo at sa tubig, amen? Pinupuri ko ang Diyos para sa sapat-sa-lahat, dalawahang kaloob ng biyaya na ipinagkaloob sa gayong walang hanggang halaga para sa atin.

At nais kong manghikayat sa inyo, hikayatin kayo, magsumamo sa inyo na lumapit, lumapit sa paanan ng krus at tanggapin ang dalawahang kaloob ng biyaya na iyon. Huwag nawang itulot ng Diyos na sa gayong walang hanggang halaga ay gawin Niyang makukuha ito nang walang kabuluhan para sa sinuman sa silid na ito. Huwag nawa, mga kaibigan ko. Pakiusap, hahayaan ba ninyong ang pag-ibig ni Cristo ang humila sa inyo? “Ako, kapag Ako ay naitaas, ay…” ano? “hihilahin ang lahat sa Akin.” {Juan 12:32} Nakikita ba ninyo ang inyong pangangailangan sa dugo at tubig? …upang mapatuwid at mabanal? Sa pagkakita ng inyong pangangailangan, tatanggapin ba ninyo ang mga kaloob na tanging makatutugon sa pangangailangang iyon? Lalapit ba kayo sa krus? Kung iyan ang inyong nais, makikatayo ba kayo sa akin para sa pangwakas na panalangin?

Ama sa langit, lubos akong nagpapasalamat sa Iyo para sa dugo at tubig. Nagpapasalamat ako na sa dalawahang kaloob na iyon, mayroon kaming lahat ng kailangan namin. At dalangin ko na ang bawat isa sa amin, bilang tugon sa walang hanggang pag-ibig na inihayag kay Cristo at sa Kanyang pagkapako sa krus, ay lalapit ngayon sa paanan ng krus at tatanggap ng dalawahang kaloob na iyon.

Mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, habang nakayuko ang inyong mga ulo at nakapikit ang inyong mga mata, sa pribado ninyong panalangin kasama ang inyong Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, nais kong hikayatin kayong lumapit. Lumapit sa krus at sa panalangin sa inyong Panginoon at Tagapagligtas, sa inyong Ama sa Langit, humingi, humingi ng dalawahang kaloob na iyon. Ito ay malayang makukuha ng sinumang lalapit at tatanggap nito ngunit ito ay dapat personal na tanggapin. Dapat kayong personal na humingi nito. Sa pagtanggap kay Jesus, tinatanggap ninyo ang lahat ng mayroon Siyang maibibigay sa inyo. Alam kong ang ilan sa inyo ay humingi na at tumanggap ng mga kaloob na ito ng biyaya, tulad ko, ngunit kahit na ginawa na ninyo ito noon, kikilalanin ba ninyo, tulad ng dapat kong kilalanin, na kailangan nating lumapit na muli araw-araw sa krus? …at tanggapin ang dalawahang kaloob na iyon? At tanging sa paggawa natin nito at pagsandig nang lubusan dito, tayo ay makakapanatili sa makipot at makitid na landas, at malayo sa magkabilang kanal. Kaya’t sa pagkilalang ito, maaari ba kayo, kahit na ginawa na ninyo ito noon o hindi pa, maaari bang bawat isa sa inyo sa pribado ninyong panalangin kasama si Cristo, ay humingi ng sapat-sa-lahat, dalawahang kaloob na iyon na ang Ama sa Langit, na naghahangad na ibigay ito sa inyo, ay magagawa Niyang ibigay ngayon din? Maaari ba ninyong hingin sa Kanya? Makipag-usap kayo sa Kanya tungkol diyan ngayon din, pakiusap.

Ama sa langit, lubos akong nagpapasalamat na Ikaw ay naliligayahan sa pagbibigay sa amin ng lahat ng aming kailangan, at nagpapasalamat ako na Ikaw ay nakatagpo ng kagalakan ngayong gabi sa paghiling sa Iyo na ibigay ang dugo at tubig; at dalangin ko na Iyong ibuhos ang sapat-sa-lahat na kaloob na iyon sa bawat puso at isipan na humiling nito. At nawa’y aming maranasan nang higit kaysa dati ang kasapatan nito, hindi lamang upang bigyan kami ng karapatan sa langit, kundi upang tulungan kaming makamtan ang kaangkupang iyon para sa langit, upang kapag dumating si Jesus, kami ay magiging handa na mamuhay kasama Niya at magsaya sa pamumuhay kasama Niya magpakailanman. At pakiusap Panginoon, tulungan Mo kaming tanggapin ang dugo at tubig, hindi lamang upang makarating kami sa langit, kundi upang tulungan kaming maging mabisang tagapagwagi ng mga kaluluwa upang kami ay makapagdala ng iba, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, sa mapagliligtas na kaugnayan sa Iyo, din. Nawa ito ang maging karanasan namin, ito ang aming dalangin sa pangalan ni Jesus, amen. Pagpalain kayo ng Diyos, mga kaibigan ko. Maraming salamat.

Maaari kang mag-scroll sa teksto sa kahon sa tabi ng video upang sundin ang aralin habang pinapanood ang video. Kung mawala ka, gamitin ang CTRL-F upang maghanap ng mga salita mula sa mga subtitle.